Home HOME BANNER STORY Chinese embassy: ‘Gentleman’s agreement’ alam ni PBBM

Chinese embassy: ‘Gentleman’s agreement’ alam ni PBBM

MANILA, Philippines- Pinabulaanan ng embahada ng China sa Manila nitong Huwebes ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi niya alam ang tungkol sa anumang gentleman’s agreement sa pagitan ng administrasyong Duterte at Beijing.

Sinabi ng embahada na makailang-ulit pa umano itong nagsagawa ng briefing sa administrasyon ni Marcos​ ukol sa kasunduan, na pumigil sa pag-igting ng sigalot sa pagitan ng dalawang bansa.

“In addition to the meetings of China-Philippines Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea (BCM), the Chinese side invited the Envoy of the President to China for Special Concerns of the Philippines to Beijing last September to discuss how to properly manage the situation at Ren’ai Jiao, which resulted in an internal understanding​,” dagdag nito.

Kasunod ang pahayag ng embahada ng pagsasabi ni Marcos at ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi alam ng kasalukuyang pamahalaan ang tungkol sa gentleman’s agreement ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China.

Ang gentleman’s agreement ni Duterte sa China ay ang hindi pagpapadala ng anumang construction materials sa katubigang pinag-aagawan ng mga bansa upang maiwasan ang tensyon, ayon sa dating tagapagsalita na si Harry Roque.

Samantala, iginiit din ng embahada na sa unang mga araw ng Marcos administration, lumikha pa umano ang dalawang bansa ng “new model” upang pangasiwaan ang sigalot matapos ang  ilang beses na seryosong komunikasyon sa Philippine military​.

​”Regrettably, only one round of resupply mission was carried out within the realm of these understandings and arrangements before they were unilaterally abandoned by the Philippine side for no good reason​,” anito.

Hindi idinetalye ng embahada ang umano’y “new model​” sa kabila ng hiling ng mga mamamahayag na linawin ito.

Hinikayat naman embahada ang Pilipinas “to honor its commitments and consensus with China” at “show sincerity.”

Sa gitna ng agresyon ng China sa katubigan, sinabi ng embahada sa pamahalaan na itigil na ang umano’y panggugulo ng Pilipinas at “return to the right track of dialogue and consultation as soon as possible, and work with the Chinese side to properly manage the situation at Ren’ai Jiao and safeguard the hard-won peace and stability in the South China Sea.” RNT/SA