Home NATIONWIDE Chinese envoy, ex-WESCOM chief, gigisahin ng Senado sa ‘new model deal’ ng...

Chinese envoy, ex-WESCOM chief, gigisahin ng Senado sa ‘new model deal’ ng China

MANILA, Philippines – Nakatakdang talupan ng Senado ang sinasabing recording ng “new model” na pinagkasunduan ng Chinese embassy at ni dating WESCOM chief Vice Admiral Alberto Carlos sa gaganaping imbestigasyon, ayon sa isang senador.

Sa panayam, sinabi ni Senador Francis Tolentino na isang polite invitation, hindi subpoena, ang ipinadala sa naturang opisyal na ipinadala sa Chinese embassy sa Maynila, maging sa Consul General of China.

Ayon kay Tolentino na hindi maaaring pilitin ang Chinese embassy sa Maynila na humarap sa imbestigasyon sanhi ng diplomatic protocol at international law. Pero, maaaring kasuhan ang diplomat sakaling nilabag nito ang batas ng Pilipinas.

“Mayroong immunity [ang diplomat] patungkol doon sa normal na pagpapatakbo ng kanilang embahada. Walang immunity sa paglabag sa ating batas,” aniya.

“Puwede silang kasuhan. Ang lumalabas dito, expulsion, declaration ng persona non grata, reduction in size of the embassy personnel, non-renewal of the visa of the administrative personnel, et cetera,” dagdag niya.

Naghain si Tolentino ng proposed Senate Resolution 1023, na nananawagan sa Senate national defense committee na maglunsad ng imbestigasyon sa wiretapping nitong Enero 2024 phone conversation sa pagitan ng Chinese side at isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines Western Command (WESCOM) hinggil sa “new model” agreement sa West Philippine Sea.

Nanungkulan si Carlos bilang hepe ng AFP WESCOM sa panahong na iyon at napalitan ni Rear Admiral Alfonso Torres Jr. bilang WESCOM commander nitong Mayo matapos mag-leave of absence si Carlos sanhi ng personal reasons.

Ayon kay Tolentino, iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sangkot na personalidad sa sinasabing wiretapping.

Inimbitahan din ng komite si Carlos sa isasagawang pagdinig sa Miyerkules maliban kung ipagpapaliban ng Senate national defense panel.

“it would prove that they are avoiding something if the resource persons would not attend the investigation, subject to the conjecture of the general public,” aniya.

“That is not good for them. Dapat siguro in good faith, humarap sila kasi ang wiretapping ay hindi lang paglabag sa batas, panghihimasok ‘yun eh. Kung wala namang ganung nangyari, edi wala,” ayon kay Tolentino. Ernie Reyes