Home METRO Kotse bumangga sa poste sa Laguna, 3 patay

Kotse bumangga sa poste sa Laguna, 3 patay

MANILA, Philippines – Patay ang tatlong matandang pasahero habang sugatan ang dalawang iba pa matapos sumalpok sa poste ang isang kotse sa national highway sa Luisiana, Laguna.

Sinabi ng Region 4A police na binabagtas ng isang Toyota Wigo na minamaneho ni Criselda Paderas Casa, residente ng Tanay, Rizal, ang Lucban-Luisiana national road sa Barangay San Antonio bandang alas-6 ng gabi nitong Linggo, Mayo 19, patungo sa Lucban, Quezon nang mangyari ang insidente.

Ayon sa pulisya, kinain ng sasakyan ang kabilang lane at bumangga sa poste sa gilid ng kalsada.

Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang drayber na si Casa at apat na pasahero nito na mga edad 60 hanggang 70-anyos.

Dalawa sa mga pasahero ang namatay habang dinadala sa Luisiana District Hospital.

Habang si Casa at dalawa iba pang pasahero ay dinala naman sa Laguna Provincial Hospital sa Sta Cruz, ngunit binawian din ng buhay ang isa pa sa mga pasahero.

Nasa ospital pa si Casa at ang isang pasahero.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente. RNT/JGC