MANILA, Philippines — Idineklara ng lokal na pamahalaan ng Kalayaan sa Palawan ang Chinese Ambassador sa Pilipinas na si Jing Quan bilang persona non grata sa kanilang munisipalidad, batay sa umano’y paglabag sa diplomatic protocol at pakikialam sa panloob na gawain ng Pilipinas.
Inaprubahan ng Sangguniang Bayan ang resolusyon noong Enero 27. Ayon kay Vice Mayor Maurice Phillip Alexis Albayda, na nagsilbing may-akda ng panukala, pinuna nito ang mga kamakailang aksyon ng ambassador. “It (resolution) is an expression of the Sanggunian being the representation of the people,” ani Albayda.
Tinukoy ng konseho ang Article 41, Section 1 ng Vienna Convention on Diplomatic Relations, na nagbabawal sa mga dayuhang diplomatiko na makialam sa panloob na gawain ng host state.
Ayon sa resolusyon, lumabis ang Chinese Embassy sa Manila nang hilingin nitong panagutin ang Philippine Coast Guard spokesperson Commodore Jay Tarriela sa kanyang transparency efforts at subukan pang pahinain ang depensa ni Senator Kiko Pangilinan sa 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng bansa at sa 2016 arbitral ruling.
Ang Kalayaan, na nasa Pag-asa Island sa West Philippine Sea, ay nag-iisang munisipalidad ng Pilipinas sa nasabing teritoryo. Binigyang-diin ni Albayda na simboliko ang deklarasyon at layong ipakita ang paninindigan ng bayan sa karapatan ng Pilipinas sa teritoryo.
Ipinadala ang kopya ng resolusyon sa Office of the Local Chief Executive, Department of Foreign Affairs, PCG, embahada ng China, at ilang senador at kongresista.
Tinanggihan ng Chinese Embassy ang akusasyon ng pakikialam, na binanggit na tanging Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang may kapangyarihang mag-utos sa pag-alis ng isang ambassador.
Ani Ji Lingpeng, spokesman ng embahada, kung uutosin, aalis agad si Jing, at idinagdag na ang kanyang aksyon ay katuparan ng tungkulin ng isang Chinese diplomat sa kanyang bansa.
Noong Agosto 2023, idineklara rin ng Kalayaan ang dating Chinese Ambassador na si Huang Xilian bilang persona non grata matapos ang insidente ng water cannon sa Ayungin Shoal. Mary Anne Sapico