Home NATIONWIDE Chinese na nagpanggap na Pinoy, timbog sa BI

Chinese na nagpanggap na Pinoy, timbog sa BI

170
0

MANILA, Philippines – Arestado ang isang Chinese national matapos magpanggap na Pilipino at gumamit ng mga iligal na nakuhang dokumento ng gobyerno, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Kinilala ng BI ang suspek na si Zhi Ling Guan, 47, na gumagamit din ng mga alyas na Shi Nengyuan at “Mike Sy.”

Nadakip ito ng mga operatiba ng BI Intelligence matapos ang masusing beripikasyon at pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad sa Batangas.

Ayon kay BI Intelligence Chief Fortunato Manahan Jr., napatunayan na nagpanggap ang dayuhan bilang isang Filipino citizen at gumamit pa ng mga government-issued ID para patibayin ang kanyang huwad na pagkakakilanlan.

“Lumabas sa aming beripikasyon na gumagamit siya ng iba’t ibang identidad at nakakuha ng mga dokumentong Pilipino gamit ang ipinagpapalagay na pangalang Pinoy,” pahayag ni Manahan.

Nakatulong umano sa operasyon ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at ang Land Transportation Office (LTO) matapos magkaloob ng mahahalagang impormasyon na naging susi sa pagkakaaresto ng suspek.

Sa isinagawang biometric check at inter-agency verification, tumugma ang fingerprints sa mga ID na nakapangalan kay “Mike Sy” sa fingerprints ni Zhi Ling Guan na isang Chinese national.

Mas lalong bumigat ang kaso nang matuklasang nakapagbiyahe pa umano sa ibang bansa ang suspek gamit ang Philippine passport habang nagpapanggap na isang ganap na Pilipino.

Binigyang-diin ng BI na ang huwad na pag-angkin ng Philippine citizenship ay mabigat na paglabag sa batas imigrasyon at tahasang pambabastos sa soberanya ng bansa.

Mariing kinondena ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang insidente.

“Hindi binebenta at hindi pinepeke ang pagiging Pilipino. Ang sinumang dayuhan na magsasamantala at magmamanipula ng ating sistema para makakuha ng opisyal na dokumento ay haharap sa pag-aresto, pagkakakulong at deportasyon,” ani Viado.

Dagdag pa nito, sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinaigting ang kampanya laban sa identity fraud at mga sindikatong sumisira sa immigration at civil registration systems ng bansa.

Sa kasalukuyan, nakapiit na ang suspek sa BI Warden Facility habang inihahanda ang deportation proceedings laban sa kanya.

Patuloy naman ang imbestigasyon upang tukuyin ang lawak ng kanyang ilegal na aktibidad at posibleng mga kasabwat. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here