Home METRO Chinese na ‘sangkot’ sa human trafficking, prostitusyon kalaboso

Chinese na ‘sangkot’ sa human trafficking, prostitusyon kalaboso

MANILA, Philippines- Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese na wanted para sa deportasyon ng ahensya dahil sa umano’y pagkakasangkot sa human trafficking at prostitusyon.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, naharang ang 51-anyos na si Du Shuizhong sa NAIA terminal 1 noong Setyembre 19 nang siya ay sasakay ng Air China flight papuntang Chengdu, China.

Nabatid na hindi pinayagang umalis si Du at sa halip ay inaresto at dinala sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Ayon kay Viado, ibabalik si Du sa China alinsunod sa deportation order na inilabas ng BI board of commissioners laban sa kanya noong Nobyembre ng nakaraang taon dahil sa pagiging undesirable alien.

Ayon pa sa BI Chief, inilagay din siya sa blacklist at pinagbawalan na muling makapasok sa bansa.

Batay sa rekord, si Du ay dati nang kinasuhan ng BI dahil sa pagiging undocumented at for undesirability matapos matuklasan na nagtatrabaho sa isang establisyimento na sinasabing sangkot sa prostitution at labor exploitation. JAY Reyes