MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Office of the Presidential Adviser for Marawi Rehabilitation (OPAMR) na pabilisin ang rehabilitation efforts nito partikular na sa kuryente, tubig at pabahay’sa Marawi City.
Sa sectoral meeting sa Palasyo ng Malakanyang, sinabi ni Pangulong Marcos na dapat na makahanap ng maayos na paraan ang pamahalaan para mapabilis ang rehabilitasyon ng lungsod.
“You seem to have solutions to most of the issues. ‘Yun na lang, ‘yung installation of the power, and I think, more importantly, ‘yung tubig. We have to get that done as quickly as possible,” ayon kay Pangulong Marcos.
Ibinigay ng Pangulo ang kautusan nito kay OPAMR Secretary Nasser Pangandaman Sr., na nag-brief sa Chief Executive ukol sa Marawi rehabilitation projects ng ahensya lalo na ang pagtutok sa elektrisidad, tubig at pabahay.
“Wala tayong magagawa ‘pag walang water supply. ‘Yung brownout, you can live with it. ‘Yung walang tubig, hindi talaga,” ayon kay Pangulong Marcos.
Para naman kay Pangandaman, ipinaliwanag nitong ang pagkaantala ng implementasyon ng Bulk Water Supply Project ng Local Water Utilities Administration (LWUA) ay dahil sa legal challenges.
“The issue is already being addressed by the government. LWUA has committed to finish the project within four months, or before the end of 2024,” ayon sa Kalihim.
Binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangan ng agarang pagtugon sa mga usapin hinggil sa tirahan ng mga residente na apektado ng Marawi siege.
Sa kabilang dako, mayroon namang naging kasunduan ang nakalipas na administrasyon sa ilang pribadong landowners na pansamantalang gamitin ang kanilang property sa loob ng limang taon, habang nakabinbin ang konstruksyon o pagtatayo ng permanent shelters para sa mga Marawi siege victims.
“But the contract has already lapsed,” ang sinabi ni Pangandaman.
Samantala, ipinag-utos ni Pangulong Marcos kay Pangandaman na hilingin sa private landowners kung maaari nitong i-extend ang kontrata para i-accommodate ang mga biktima.
Ang naging tugon ni Pangandaman ay “they would work closely with the local government unit (LGU).”
Sinabi ng Pangulo na ito ang tamang panahon para sa administrasyon na i-adopt ang mas systematic approach sa Marawi rehabilitation efforts, kasunod ng pagpapalabas ng Administrative Order 14, series of 2023.
“The AO institutionalized the recovery, reconstruction and rehabilitation efforts in Marawi City and streamlining of the functions of implementing government agencies involved,” ayon sa ulat. Kris Jose