MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 44-anyos na puganteng Chinese national makaraang tangkain nitong palawigin ang kanyang tourist visa sa loob mismo ng punong tanggapan ng nasbaing ahensiya sa Intramuros, Manila.
Ang suspek, na kinilalang si Lin Guangxiu, ay dinakip noong Pebrero 11 matapos kumpirmahin ng mga awtoridad na siya ay paksa ng Interpol Red Notice para sa mga paglabag na may kinalaman sa droga.
Nabatid sa BI na pinaghahanap si Lin para sa prosekusyon dahil sa paglabag sa Section 11, Article II ng R.A. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“This arrest demonstrates our unwavering commitment to keeping the country safe from foreign fugitives,” ani BI Commissioner Joel Anthony Viado. “The Philippines will not be a refuge for criminals. We will continue to ensure that our borders remain secure and that those attempting to evade justice are apprehended,” dagdag pa nito.
Sa proseso ng pagpapalawig ng visa, nakita ng mga tauhan ng BI ang mga iregularidad sa mga rekord ni Lin at iniulat ang kaso kay Tourist Visa Section (TVS) Chief Raymond Remigio, na nakipag-ugnayan sa Fugitive Search Unit (FSU) ng BI para sa agarang pag-aresto kay Lin.
“This case proves the effectiveness of our screening procedures,” ani Remigio. “We remain vigilant in preventing foreign fugitives from exploiting our immigration system,” dagdag pa nito.
Ayon sa mga awtoridad, noong 2019, si Lin at ang kanyang kasabwat ay natagpuang may bitbit na mahigit 138 piraso ng tape-sealed transparent pack na naglalaman ng humigit-kumulang 270,000 gm ng Methampethamine Hydrochloride o ‘shabu’.
Nakakulong ngayon si Lin sa BI facility sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan habang hinihintay ang mga paglilitis sa deportasyon. JR Reyes