MANILA, Philippines – Arestado ang isang Chinese national sa Pasay City dahil sa umano’y illegal practice of medicine, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ipinrisinta ni NBI Director Jaime B. Santiago ang Chinese national na kinilalang si Xu Jianxin o kilala rin bilang si Zhang Lin.
Si Xu Jianxin ay naaresto sa entrapment operation na isinagawa ng NBI-National Capital Region (NBI-NCR) noong Disyembre 3 sa stock room ng restaurant sa Pasay City.
Naniniwala ang NBI na ipinagpapatuloy ng suspek ang kanyang operasyon sa Tai An Clinic na ikinandado na kasunod ng isinagawang pagsalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Sinabi ni NBI Spokesperson and NBI-NCR Director Ferdinand Lavin na narekober din ng NBI-NCR sa suspek ang ibat-ibang Chinese medicines at medical equipment.
Sinabi ng NBI na isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang ahensya na ang naturang clinic ay nag-aalok pa rin ng medical services sa mga Chinese nationals.
Ayon sa Department of Health, ang Tai An ay hindi lisensyado na magsagawa ng general clinic laboratory at walang pending license to operate.
Gayundin naglabas din ng sertipikasyon ang Professional Regulation Commission (PRC) sa NBI na nagsasabing ang Chinese national ay hindi otorisadong magsagawa ng medicalprocedures sa Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden