Home NATIONWIDE Exploitation ng 13-Filipina na naaresto sa Cambodia, pinuna ng CBCP-ECMI

Exploitation ng 13-Filipina na naaresto sa Cambodia, pinuna ng CBCP-ECMI

MANILA, Philippines – Paglabag sa dignidad ng buhay ang mga kaparehong kaso na kinahaharap ng mga naarestong Pilipino at pagpapakita ito ng kawalan ng pagpapahalaga sa kasagraduhan ng buhay.

Ito ang puna ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) Vice-chairman Antipolo Bishop Ruperto Santos matapos maaresto sa Phnom Penh Cambodia ang 13-Filipina dahil sa kaso ng surrogacy na ilegal na gawain sa bansa.

Kasabay nito, isinusulong ng CBCP-ECMI ang kahalagahan ng pagsunod at pagrespeto sa kasagraduhan ng buhay.

Ipinaalala ng Obispo na bagamat naakusahan ay huwag husgahan ang mga Filipina na naaresto dahil biktima lamang din sila ng kahirapan ng buhay kung kaya’t nagawa ang pagpayag na maging bahagi ng ilegal na gawain.

Umaasa si Bishop Santos na sa kanilang paglaya ay makabalik sila sa pamumuhay na pinapahalagahan ang kasagraduhan ng buhay habang sinusunod ang plano ng Panginoon para sa Kanila.

Umapela naman ng panalangin si Bishop Santos para sa ikabubuti ng kalagayan ng 13 Filipina, nawa ayon pa sa Obispo ay mapalakas din ng pamahalaan at iba pang civil society groups ang mga hakbang upang malabanan ang human trafficking na patuloy paring suliranin ng lipunan.

Sinabi ng Obispo na maaaring biktima lamang ang mga Filipina ng human trafficking at napapayag na magbuntis para sa ibang pamilya o indibidwal kasabay ng pangakong P500,000 kabayaran.

Panalangin ng Obispo na magkaroon ng mga programa at inisyatibo ang pamahalaan na magbibigay ng sapat na kaalaman sa mga Pilipino, higit na sa mga mahihirap upang maiwasan ang mga kaso na nabibiktima ng human trafficking ang mga mahihirap na Pilipino.

Sa datos ng global watch group ng ‘Trafficking in Persons’, nitong taong 2024 ay umabot sa 133,943 ang biktima ng ibat-ibang kaso ng humang trafficking. Jocelyn Tabangcura-Domenden