Home METRO 2 iskul sa GenSan binulabog ng shooting threats

2 iskul sa GenSan binulabog ng shooting threats

1
0

GENERAL SANTOS CITY — Inilagay sa alerto ang dalawang paaralan sa General Santos City matapos makatanggap ng mga banta ng pamamaril laban sa mga estudyante at guro bago ang pagbabalik ng face-to-face classes sa Lunes, Agosto 3.

Sa isang social media post, nagbanta ang uploader na babarilin ang mga estudyanteng umano’y nang-bully sa kanya sa General Santos City SPED Integrated School at ang mga gurong sinasabing ibinagsak siya nang walang dahilan.

Nagbabala rin ang uploader na huwag pumasok sa paaralan ang mga ayaw madamay. Kalakip ng post ang larawan ng baril at mga bala.

Nakatanggap din ng katulad na online threat ang Buayan National High School sa Barangay Buayan. Nagbanta umano ang uploader na babarilin ang lahat, kabilang ang isang gurong sinasabing nang-bully sa kanyang pinsan.

Nagdulot ng takot sa mga estudyante at magulang ang mga post.

“Natakot kami kay naalala naming ang nagyari sa San Jose National High School, siympre imbes na mag school na kame, magmamusil naman hinuon sa mga estudyante diri,” pahayag ng isang estudyante.

“Sa una mahadlok ka magbinuang sa sulud sa eskwehan…karon murag wala, hadlukon pa ang mas tigulang sa ilaha,” dagdag ng magulang na si Bryan Gallos.

Agad nagtalaga ng mga tauhan ang Police Regional Office-SOCCSKSARGEN (PRO-12) upang tiyakin ang seguridad sa mga paaralan. Naantala ang pagbabalik ng face-to-face classes dahil sa magnitude 7.8 na lindol.

Patuloy na tinutunton ng mga imbestigador ang mga taong nasa likod ng mga post.

“Ongoing man ang atung investigation, ginatan-aw pa na kung unsa ang information pag-abot ani,” ani PRO-12 Regional Anti-Cybercrime Unit Operations Section Chief Major Mark Gerald Norbe.

Sinabi ng Department of Education-General Santos City na nakikipag-ugnayan ito sa mga law enforcement agency at partner organization upang protektahan ang mga estudyante, kawani at komunidad.

Hinikayat nito ang publiko na manatiling kalmado, huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.

“Together, we will protect our schools, uphold safety, and ensure that these threats do not disrupt learning,” pahayag ng DepEd-GenSan.

Ayon sa PNP Regional Anti-Cybercrime Unit-12, maaaring maituturing na uri ng nihilistic violent extremism ang mga banta, kung saan posibleng nahihikayat online ang mga kabataan na lumikha ng kaguluhan o magbanta ng malawakang pagpatay.

“Mao ni siyang ginatawag natung ‘Nihilistic Violent Extremism’. Kani man gud siya a kind of extremism ang mga perpetrators or ang mga victim is kaning mga bata, they were groomed into naga-create sila og chaos, mag-threatened sila into conducting mass killings, or massive na kaning dauton ang public, kadaghanan mga tao. Mura siyag terrorist activity,” ani Norbe.

Sinabi ng mga awtoridad na maaaring maging bulnerable sa ganitong gawain ang mga batang nakararanas ng bullying, exploitation at abuse, ngunit maaari pa ring mapigilan ang mga insidente sa pamamagitan ng paggabay ng mga magulang, lalo na sa paggamit ng gadgets at internet.

“Kung kaya disiplinahun sa mga ginikanan ang ilang mga anak sa paggamit og gadgets because, naay mga stadies nga nagpakita nga makuha ni siya, ma indoktrinahan ang mag bata thru the social media and sa paggamit sa internet,” ani Norbe. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here