MANILA, Philippines — Itinanggi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes na suhol ang P50-milyong donasyon ng lokal na pamahalaan ng Dasmariñas City para sa gagawing special congressional election.
Ibinigay ng pamahalaang lungsod, na kinatawan ni Vice Mayor Third Barzaga, ang pondo upang tumulong sa Comelec sa pagsasagawa ng special election para sa kinatawan ng Fourth District ng Cavite.
Nabante ang puwesto matapos patalsikin sa House of Representatives ang kapatid ni Vice Mayor Barzaga na si Kiko Barzaga dahil sa “disorderly” conduct.
Kabilang sa limang kandidatong tumatakbo sa puwesto ang kanilang ina na si Dasmariñas City Mayor Jenny Barzaga. Nagsisilbing acting mayor si Vice Mayor Barzaga habang nangangampanya ang kanyang ina.
Naglabas ng paglilinaw ang Comelec matapos tawagin ng Facebook page na “Calabarzon Connect” ang donasyon bilang “legal bribery in broad daylight.”
“Ang pondong ito ay hindi isang uri ng suhol para impluwensyahan ang COMELEC at baluktutin ang magiging resulta ng special elections sa Dasmariñas, Cavite,” pahayag ng poll body.
“Hindi kailanman legal ang akto ng panunuhol. Ang tahasang akusasyon na ito sa COMELEC na walang sapat na batayan at hindi suportado ng ebidensya ay isang pangunahing kakanyahan ng disinformation,” dagdag nito.
Ayon sa Comelec, ang mga usapin tungkol sa legalidad ng paggamit ng pondo ng gobyerno ay dapat idaan sa tamang proseso at resolbahin ng mga kinauukulang awtoridad batay sa batas.
Nagsimula nitong Huwebes ang campaign period, habang nakatakda ang special election sa Agosto 29. Jocelyn Tabangcura-Domenden