MANILA, Philippines — Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang 75 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P510 milyon sa Port of Batangas nitong Huwebes, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Inaresto ng mga operatiba ng PDEA–National Capital Region, Philippine Coast Guard at iba pang ahensya ang isang 22-anyos na lalaking estudyante at 27-anyos na babaeng walang trabaho na kapwa residente ng Talon-Talon, Zamboanga City. Pinaghihinalaan silang mga courier ng ilegal na droga.
Nasagip din ang isang 17-anyos na lalaki na umano’y kasama ng mga suspek. Isasailalim siya sa pangangalaga ng lokal na social welfare office para sa kaukulang interbensyon at tulong.
Narekober sa operasyon ang 75 foil pack na naglalaman ng hinihinalang shabu at isang puting van na pinaniniwalaang ginamit sa ilegal na transaksyon.
Mahaharap ang mga inarestong suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Mary Anne Sapico