MANILA, Philippines – Inaresto ng National Bureau of Investigation ang isang Chinese national sa Binondo, Maynila dahil sa umano’y ilegal na practice of medicine.
Kinilala ng NBI ang Chinese national na si Chen Hong Ru na inaresto ng mga operatiba ng NBI National Capital Region (NBI-NCR) sa kanyang klinika sa isang entrapment operation noong Hulyo 14.
Sinabi nito na si Chen ay nahuli sa aktong namimigay ng mga gamot at sinusuri ang impormante na kasama ng isang undercover na ahente ng NBI.
Sa kanyang pag-kakaaresto, sinampahan si Chen sa Manila Prosecutor’s Office ng mga paglabag sa Republic Act (RA) 2382, Medical Act of 1959, at RA 9711, Food and Drug Administration Act of 2009.
Bago ang entrapment operation, sinabi ng NBI na ang mga operatiba nito kasama ang mga impormante ay nagtungo sa klinika noong Hulyo 8 upang i-verify ang impormasyon.
Nagkukunwaring dumaranas ng matinding sakit ng ulo at pananakit ng tiyan, ang impormante na sinuri ni Chen.
Pagkatapos ng pagsusuri, ibinenta ni Chen sa impormante ang isang kahon ng Betaloc AstraZeneca (may label sa Chinese) at ilang Chinese medicines na nakapaloob sa apat na self-sealing plastic sachet, sinabi nito.
Nagbayad ang informant kay Chen ng P1,500 para sa check-up at gamot, dagdag pa nito. RNT/MND