Home METRO Chinese national iniwan sa restaurant sa Cavite matapos magbayad ng ransom

Chinese national iniwan sa restaurant sa Cavite matapos magbayad ng ransom

MANILA, Philippines – Patuloy ang pagsasagawa ng masusing pag-iimbestiga ng pulisya at pakikipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO) kaugnay sa sasakyan na ginamit ng hinihinalang kidnapper sa isang Chinese national nang iwan ito sa kilalang fastfood chain matapos magbayad ng ransom sa Brgy. Malagasang 1G, Imus City, Cavite.

Ayon sa report, kinilala ang biktima na si Zhang Yang, 38, Chinese National na kasalukuyang nakatira sa Brgy. San Antonio, Makati City, sakay ng sasakyan na isang kulay maroon na Toyota Vios na may plakang NBQ 3151.

Base sa ulat, dakong alas-11:45 ng gabi nang narekober ng Anti-Kidnapping Group (AKG) Luzon Field at Imus City Police Station ang biktima sa loob ng Mcdonalds branch sa Brgy Malagasang 1-G ng nasabing lugar.

Napag-alaman na iniwan ang biktima sa loob ng nasabing food chain gamit ang Toyota Vios matapos umanong nagbayad ang mga kamag-anak nito ng halagang 18,000 USD sa pamamagitan ng account ng suspek at kumidnap dito.

Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa Closed Circuit Television (CCTV) sa dinaanan ng nasabing sasakyan at pagkakakilanlan ng suspek. Margie Bautista