Home METRO Chinese national kalaboso sa P370K shabu sa Pasay

Chinese national kalaboso sa P370K shabu sa Pasay

MANILA, Philippines – Dinakip ng mga tauhan ng Pasay City police MOA Substation 10 ang isang Chinese national na nagtangkang magdeliver ng parcel na naglalaman ng P372,640 halaga ng shabu Linggo ng gabi, April 27.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang nadakip na Chinese national na si alyas Chao Meng, 38.

Base sa report na isinumite ni De Sesto kay Southern Police District (SPD) director PBGen Joseph Arguelles, naganap ang pag-aresto sa suspect dakong alas 9:45 ng gabi sa 2Go Express na matatagpuan sa SM Mall of Asia Complex, Barangay 76, Pasay City.

Ayon kay De Sesto, tinangka ng suspect na magpadala patungong ng China ng isang parcel na kulay pulang envelope kung saan nakatago sa ilalim nito ang isang plastic sachet na naglalaman ng 54.8 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng 372,640.

Nadiskubre ng isang empleyado ng 2GO Express ang tangkang pagpuslit ng ilegal na droga ng suspect kung kaya’t agad na inireport ito sa MOA Substation 10 na siya namang umaresto sa suspect.

Kabilang na narekober sa posesyon ng suspect na gagamitin bilagn ebidensya laban sa kanya ang isang FedEx reusable plastic pack; isang malaking red envelope; kulay pulang folder; shipment form; 13 deeds of agreement; isang cellphone; ID ng suspect at isang itim na sling bag.

Sa kasalukuyan ay nasa ilalim ng kustodiya ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasay City police ang suspect na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 21 ng RA9165 sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan