Home METRO Chinese national na Top 6 MWP timbog sa Pasay

Chinese national na Top 6 MWP timbog sa Pasay

MANILA, Philippines – Arestado ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Pasay City police ang isang Chinese national na sangkot sa ilegal na droga sa lungsod Biyernes ng hapon, Abril 5.

Sa report na isinumite ng Pasay City police sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang inarestong suspect na si Lay Qiuhong Katya, 30, na tinaguriang Top 6 most wanted person sa lungsod.

Sinabi ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames Jr., naganap ang pag-aresto sa suspect dakong alas 4:50 ng hapon sa Barangay 70, Pasay City.

Ayon kay Mayames, ang pagdakip sa suspect ay naisakatuparan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni ParaƱaque Regional Trial Court (RTC) Judge Xerxes Ultra Garcia ng Branch 295 noong Pebrero 15, 2024.

Dagdag pa ni Mayames na kabilang sa kautusan ng korte ang rekomendasyon ng piyansa sa kinakaharap na limang kaso na may kinalaman sa ilegal na droga ng suspect sa halagang P1,040,000.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police ang suspect habang naghihintay ng commitment order ng korte para sa paglipat niya ng kulungan sa Pasay City jail. James I. Catapusan