Home METRO Chinese national na wanted sa cyber fraud, nabitag sa NAIA

Chinese national na wanted sa cyber fraud, nabitag sa NAIA

MANILA, Philippines – Arestado ang isang pasaherong Chinese national na nasa wanted list ng mga dayuhang sangkot sa cyber fraud, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City, iniulat ng Bureau of Immigration (BI) nitong Miyerkules, Mayo 1.

Kinilala ni Commissioner Norman Tansingco ang 28-anyos na pasahero na si Qin Xingye, na naharang sa NAIA Terminal 3 noong Abril 28 bago ito makasakay ng flight ng eroplano pa-Hong Kong.

Inaresto ang Chinese national matapos na makita sa derogatory check ng BI ang pangalan nito sa clearance sa immigration departure counter.

“He was referred by the immigration officer to his supervisors who verified his identity and later confirmed that the passenger and the person in the bureau’s derogatory list are one and the same,” saad sa pahayag ni Tansingco.

Nakita sa derogatory hit na si Qin ay nakalagay sa immigration blacklist dahil sa pagiging undesirable alien at sa pananatili ng matagal sa bansa, kasabay pa ng pagtatrabaho ng illegal.

Nauna na ring inireklamo ang pasahero dahil sa cyber fraud activities at pagtatrabaho nang walang permit.

Naka-detain na ngayon ang Chinese national sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang naghihintay ng deportation. RNT/JGC