BATANES, Philippines – Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang presensya ng Chinese research vessel na JIA HAI KE 7, nasa 38 nautical miles mula Itbayat, Batanes, sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon sa PCG, ilang beses na radio-challenge ang barko ng PCG aircraft ngunit hindi ito tumugon. Hindi umano ito itinuturing na innocent passage dahil nagpapakita ito ng pattern ng marine scientific research.
Nadetect ang barko sa monitoring station sa Itbayat at hindi sa Automatic Identification System (AIS). Lumabas din sa Dark Vessel Detection system na nag-spoof umano ito ng AIS, na nagpakitang bumiyahe mula Xiamen patungong Papua New Guinea sa mahigit 2,000 nautical miles sa loob lamang ng 20 oras bago lumitaw sa Batanes.
Ang 2,000-toneladang barko ay may DP-2 system na maaaring gamitin upang manatili sa isang partikular na punto sa seabed para sa geological survey. Nagdulot ito ng pangamba sa PCG dahil sensitibo ang lugar na dinaraanan ng submarine cables.
Patuloy na mino-monitor ng PCG ang barko alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na protektahan ang maritime domain ng bansa laban sa unauthorized foreign research. Jocelyn Tabangcura-Domenden