MANILA, Philippines- Namataan ng Philippine Coast Guard aircraft nitong Miyerkules ang malaking bilang ng Chinese vessels kabilang ang warship, sa loob at paligid ng Panatag Shoal sa West Philippine Sea, kung saan patungo ang isang misyon ng sibilyan.
Nasa 18 China Coast Guard at militia vessels at isang People’s Liberation army warship ang nakakalat sa iba’t ibang lokasyon, isang malaking bilang mula sa karaniwang deployment ng walong barko sa shoal, o tinawag din na Bajo de Masinloc at Scarborough Shoal.
Isinagawa ang MDA flight ilang minuto bago ang pag-alis ng Atin Ito Coalition volunteers sakay ng mga fishing boat, sa pagsisikap na mamigay ng tulong sa mga mangingisda sa Panatag Shoal.
“They [China] really want to intimidate the civil society thinking that the more vessels they deploy it will threaten this kind of initiative,” sabi ni Commodore Jay Tarriela, ang PCG spokesperson for the West Philippine Sea.
Napansin din ang dobleng floating barriers sa entrada ng shoal, isang maliwanag na hakbang upang isara ang lagoon, pagpapalagay ni Tarriela.
Sa humigit-kumulang 30 nautical miles patungo sa reef, isang mahigpit na hamon sa radyo mula sa isa pang barko ng Chinese Navy ang dumating sa communication system ng eroplano, na nagbabala sa mga piloto na umalis sa lugar.
“Leave immediately or you will be responsible for all the consequences,” mensahe ng China.
Halos tatlong beses pang inulit ang parehong mensahe sa radyo: “Philippine aircraft, this is Chinese Navy warship 105. China has undisputed sovereignty over the island.”
Ngunit ang babae na nagco-command sa PCG plane at ang kanyang co-pilot ay nanindigan at naglabas din ng mga radio challenges.
Ipinagpatuloy ng PCG aircraft ang paglipad nito sa Panatag Shoal nang hindi bababa sa 30 minuto, na nagdodokumento sa posisyon at paggalaw ng mga asset ng hukbong-dagat ng China.
Dahil sa pagdoble ng China sa deployment ng barko, nagdagdag ang PCG ng dalawa pang sasakyang pandagat para matiyak ang kaligtasan ng sibilyan na misyon sa Panatag Shoal, ani Tarriela. Jocelyn Tabangcura-Domenden