Home NATIONWIDE Chiz ‘no comment’ sa Senate President coup

Chiz ‘no comment’ sa Senate President coup

MANILA, Philippines – Ayaw magbigay ng komento si Senate President Francis “Chiz” Escudero sa sinasabing planong kudeta ni Senate President pro-Tempore Jinggoy Estrada sa liderato ng Mataas na Kapulungan na umugong noong nakaraang linggo.

Sa kabila nang pinabulaanan ni Estrada ang planong pang-aagaw sa liderato ng Senado, sinabi ni Escudero na anumang pagtatangka ay mananatiling tsismis hangga’t hindi nangyayari.

Pangalawang beses ito na umugong ang tsismis sa Senado ang sinasabing tangka ni Estrada na agawin ang liderato ng Senado na nagsimula noong panunungkulan ni dating Senate President Juan Miguel Zubiri.

“Any attempt is called a rumor until it happens,” ayon kay Escudero.

Sinabi ni Escudero na may ilang media ang nagtanong sa miyembro ng Senado hinggil sa tsismis na umiikot sa Senado nang walang source ng impormasyon.

“Media asked a member of the Senate about this rumor going around without quoting anyone…They interviewed SP Pro-Tempore Estrada and he denied it. Now the quote coming out to support this rumor is an interview of Senator Jinggoy who denied it. I throw the question back at you, why should I comment on a rumor that the basis of which is a denial of the person you asked about a rumor?” ayon kay Escudero.

“It’s difficult to comment on every rumor that comes out. If you give me a name or a source that I can comment on then I would answer but I’ve learned, having been in politics for 24 years, not to comment on any rumor because if it’s proven not to be true and correct, you would be the one left holding the ball,” dagdag niya.

Nitong Lunes, mahigpit na pinabulaanan ng ilang senador kabilang si Estrada hinggil sa kudeta laban kay Escudero. Mariing pinabulaanan din ni Estrada ang espekulasyon na papalitan nito si Escudero saka iginiit na “komportable” siya sa kasalukuyang liderato ng Senado.

“May haka-haka dito sa Senado na ako raw ‘yung papalit na Senate President. Hindi po totoo ‘yan at wala po akong balak,” ayon kay Estrada.

Bago maupo si Escudero, lumutang din ang pangalan ni Estrada na ipapalit sa liderato ni Zubiri na kamalaunan, ang una ang siyang nahalal bilang bagong president ng Senado nitong Mayo.

“Nagtataka ako, nagugulat ako doon sa mga kumakalat na mga usap-usapan na papalitan na raw ang ating Senate President. Wala pong katotohanan ‘yan,” diin ni Estrada.

Sa pamumuno ni Escudero, marami ang nagbago sa sistema sa Senado bukod sa naging maaliwalas ang sitwasyon sa loob at labas ng gusali at umayos din ang paggulong ng lehislatura sa Mataas na Kapulungan kaya ilang mahahalagang batas ang naipasa alinsunod sa kahilingan ng administrasyon.

Ngunit, sinabi ni Escudero na nakasalalay ang kanyang liderato sa kagustuhan ng nakararami.

“I serve at their pleasure. It is not a concern, it is a fact of life…It’s a rumor until it happens,” aniya. Ernie Reyes