MANILA, Philippines- Hinikayat ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga bagong mambabatas ng susunod na Kongreso na pagtuunan ng pansin na maipasa ang dalawang panukalang batas na naglalayong protektahan ang karapatan ng LGBTQIA+ community, kasabay ng pagdiriwang “Pride Month” ngayong buwan ng Hunyo.
“Pride is a resounding call for the urgent passage of key policies, including the Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, or Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Bill and the Comprehensive Anti-Discrimination Bill (CADB),” ayon sa CHR.
Inulit lamang ng CHR ang panawagan na ipasa ang SOGIE at anti-discrimination bills dahil sa pagiging matamlay nito sa Kongreso ilang dekada na ang nakalipas, posibleng dahil sa pagtutol ng mga konserbatibong mambabatas at ‘religious groups.’
Magugunitang taong 2022, inaprubahan ng Senate Committee on Women sa pangunguna ni Senador Risa Hontiveros ang isang bersyon ng SOGIE bill, ngunit hindi na ito umusad. Sa panahong iyon, inakusahan pa ni Hontiveros ang isang kapwa senador ng paghaharang sa panukala.
“As the 20th Congress is set to begin, the Commission expresses its hope that these legislative measures will finally be prioritized—grounded in the principles of equality, justice, and human rights,” ayon sa Komisyon.
Kaya, umaasa ang CHR na ang bagong mga mambabatas ay magsisimula sa mas inklusibong pananaw at magbibigay-diin sa pagpasa ng mga batas na nakaugat sa prinsipyo ng karapatang pantao, pagkakapantay-pantay, at hustisya.
“CHR believes that a genuinely inclusive society is one where safe spaces are not a privilege, but a right.” anito pa rin. Kris Jose