MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Commission on Human Rights (CHR) ang Philippine National Police (PNP) at ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na sundin ang judicial process sa gitna ng pagsisilbi ng arrest warrant kay Apollo Carreon Quiboloy, isang Filipino pastor at lider ng Kingdom of Jesus Christ.
Sa isang kalatas, nanawagan ang CHR sa lahat ng sangkot na “remain calm and cooperate fully with the legal proceedings, in the interest of justice and peace.”
“The Commission reminds the Philippine National Police to exercise maximum tolerance and to ensure the safety of everyone, especially the children,” ayon sa komisyon.
“The Commission reiterates to the members of KOJC the importance of respecting state forces, allowing them to carry out their duty, and refraining from any actions that may escalate tensions or obstruct the legal process,” dagdag na wika nito.
Pinaalalahanan din ng CHR ang KOJC members na umiwas mula sa pangha-harass sa mga sibilyan na ginagawa lamang ang kanilang tungkulin matapos na makatanggap sila ng ulat na may isang special investigator mula CHR Region XI ang pinagbantaan at hinarass ng ilang KOJC members.
Samantala, sa ulat, isang tagasuporta ng kontrobersyal na si Quiboloy ang nasawi matapos atakihin sa puso nang salakayin ng mga awtoridad ang compound ng nasabing sekta ng relihiyon sa Davao City, kamakalawa ng umaga, Agosto 24.
Sa inisyal na ulat ni Police Regional Office (PRO) 11 Director Brig. Gen. Nicolas Torre III, dakong alas-5:27 ng umaga nang magsagawa ng raid ang kaniyang mga tauhan sa KOJC compound sa Buhangin District ng lungsod.
Ang nasawing miyembro ng KOJC ay isang 50-anyos na lalaki na inatake umano sa puso nang isagawa ng mga operatiba ng pulisya ang raid.
Nasa 2,000 pulis naman ang lumusob sa nasabing compound kabilang ang PNP Civil Disturbance Management Unit upang isilbi ang warrant of arrest laban kay Quiboloy.
Si Quiboloy ay may warrant of arrest sa kasong human trafficking at sex trafficking at may ilang buwan na ring pinaghahanap ng mga awtoridad. Samantala dahil sa dami ng mga lumusob na pulis ay nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga tagasunod ni Quiboloy at ng raiding team.
Nabatid na ang large scale operation ay upang halughugin ang nasabing compound na may 42 gusali kung saan una nang sinabi ni Torre na naniniwala siyang hindi pa nakakaalis ng bansa si Quiboloy.
Si Quiboloy ay may standing warrant of arrest mula sa Davao City at Pasig City kaugnay ng kasong human trafficking, sexual abuse sa mga menor-de-edad at kababaihan gayundin ng pangmamaltrato.
Bukod dito ay wanted rin ang pastor sa US Federal Bureau of Investigation sa kasong sex abuse at human trafficking.
Magugunita na una nang nagsagawa ng raid ang mga awtoridad upang arestuhin si Quiboloy pero nabigo ang mga ito noong Hunyo 10, 2024. Bukod dito ay kinuwestiyon din ang raid ng NBI Region 11 dahil moro-moro umano ito o drama lamang. Kris Jose