MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Miyerkules laban sa kumakalat na pekeng Facebook posts na nagsasabing magkakaroon ng Christmas bonus para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao, “Ito po ay hindi totoo at maaaring isang mekanismo ng mga online scammers para makuha ang mga pribadong impormasyon ng ating mga beneficiaries.” Pinayuhan niya ang publiko na huwag mag-click ng mga link o magbigay ng personal na detalye, at iginiit na mula lamang sa mga municipal at city links at sa opisyal na social media pages ng 4Ps at DSWD nagmumula ang tunay na anunsyo.
Binigyang-diin ni Dumlao, na siya ring Data Protection Officer ng ahensya, na sumusunod ang DSWD sa Data Privacy Act at hindi inilalabas ang datos ng mga benepisyaryo.
“Hinihimok namin ang lahat na maging mapagmatyag laban sa anumang maling impormasyon at huwag pong basta-basta magbibigay ng inyong mga pribadong impormasyon sa social media,” dagdag niya.
Hinimok din ng DSWD ang publiko na i-report ang mga kahina-hinalang posts sa Integrated Grievance Redress Management System o sa opisyal na Facebook page ng 4Ps.
“Kapag may nakita po kayong mga posts… na hindi galing sa mga official sources… ipagbigay alam agad sa amin… Magtulungan po tayo upang matigil natin ang mga fake news,” giit pa ni Dumlao. Santi Celario