Home NATIONWIDE Christmas decor sa mga klasrum, papayagan ng DepEd

Christmas decor sa mga klasrum, papayagan ng DepEd

MANILA, Philippines- Hindi ipagbabawal ng Department of Education ang Christmas decorations sa public school classrooms sa kondisyong hindi paermanente ang mga ito, ayon sa DepEd spokesman nitong Biyernes.

“Wala naman po ‘yun problema kasi hindi naman po ‘yun permanent. Of course, they can decorate their classrooms,” sabi ni Undersecretary Michael Wesley Poa sa isang panayam.

“Pwede silang mag decorate as long as simple lang. Ang ayaw lang po natin talaga permanently nasa walls.”

Nauna nang ipinag-utos ni Vice-President at Education Secretary Sara Duterte sa public schools na baklasin ang visual aids, crucifixes, larawan ng national heroes at maging mga nakaraan at kasalukuyang presidente sa mga pader ng silid-aralin.

Matatandaang sinabi ng DepEd spokesman na magagamit pa rin ang visual aids subalit tuwing oras lamang ng pag-aaral.

Samantala, nagbabala si Poa laban sa mga nagsasagawa ng paligsahan para sa best Christmas decorations sa mga silid-aralan, at sinabing ang mga guro ang karaniwang gumagawa ng karagdagang gawain.

“Ayaw natin naaabala at gumagastos ang teachers para diyan sa contest,” aniya.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na awtomatikong suspendido ang klase mula kindergarten hanggang Grade 12 sa public school kapag pinairal ang Signal No. 1 o orange rainfall warning.

“Hindi na kailangan maghintay ng anunsyo ng LGU,” wika niya. RNT/SA