Home NATIONWIDE CICC nagbabala vs SIM registration scam

CICC nagbabala vs SIM registration scam

MANILA, Philippines- Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko laban sa social media accounts na nag-aalok ng SIM registration services kapalit ng minimal fee.

Inihayag ng CICC ang pagkaalarma nitong Miyerkules sa isang social media account na may pangalang “DITO Telecommunity” na humihimok sa publiko na mag-avail ng serbiyo nito, na available sa lahat ng networks.

“DITO Telecommunity Corporation, however, has disowned the social media account and claimed that it has not authorized the practice,” anang CICC.

“We’re the strictest among the three on SIM registration,” tugon ng DITO sa katanungan ng CICC.

Pinaalalahanan ni CICC Executive Director Alexander Ramos ang publiko na dapat na personal na magparehistro ang SIM card users sa kani-kanilang networks, magpakita ng government-issued ID, at mag-selfie.

“The SIM registration process is not that complicated and there is no need to hire a third party to do it for you. Do not be deceived by those offering to register your SIM,” ani Ramos.

Dagdag niya, maaaring gamitin ng ganitong uri ng social media accounts ang impormasyong nakalap nila para sa ibang layunin, tulad ng phishing scams.

Naisabatas ang SIM Registration Law noong Oktubre 2022 at umiral noong Disyembre 27, 2022, kung saan lahat ng bagong SIM cards ay ide-deactivate at kailangang tumalima ang subscribers sa proseso ng telcos na iparehistro ang kanilang SIM cards at i-activate ito.

Hanggang noong Hulyo 2023, binanggit ng CICC na 113,969,014 SIMs ang naiparehistro na mula sa 168,016,400 sa sirkulasyon. RNT/SA