MANILA, Philippines- Sinabi ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) nitong Biyernes na may kabuuang 10,004 cybercrime complaints ang inihain sa kanilang opisina noong 2024, tatlong beses na mas marami kumpara sa 3,317 reklamo noong 2023.
Inihayag ni CICC Executive Director Undersecretary Alexander Ramos nitong Biyernes na ang kabuuang halaga na nakuha mula sa cybercrime victims ay umabot na sa halos P198 milyon noon lamang nakaraang taon.
Iniugnay niya ito sa lumalawak na kaalaman ng publiko sa cybercrimes at kahandaan ng mga itong magsumbong.
“In previous years, people were not aware that they were being scammed and many were not also aware of where to file their complaints,” ani Ramos.
Sa kabuuan, nasa 3,534 reklamo, o 35 porsyento ang consumer fraud, kabilang ang non-delivery ng mga produkto o serbisyo at pekeng advertisements.
Samantala, mayroon namang 3,242 online fraud complaints, o 32 porsyento ng kabuuan.
Kabilang dito ang financial fraud, impersonation, job scams, investment scams, at love scams.
Kasama naman sa iba pang uri ng reklamo ang unsolicited communication, illegal access, identity theft, sexual cybercrimes, phishing, at cyberlibel.
Dagdag niya, GCash ang nangungunang wallet na ginamit ng mga biktima ng consumer fraud, online fraud, at phishing, na may kabuuang P76.49 milyon na nawala sa users.
Kabilang sa iba pang financial platforms na ginamit ng mga biktima ang BPI sa P28.47 milyong losses, GoTyme sa P15.38 milyon, at PayMaya sa P13.99 milyon.
Nanawagan siya sa mga biktima ng scams na tumawag sa toll-free hotline ng gobyerno sa 1326. RNT/SA