MANILA, Philippines – Sinabi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na wala pa silang natatanggap na bagong warrant of arrest laban sa sinumang mataas na opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay CIDG National Capital Region chief Col. John Guiagui, nakahanda ang kanilang grupo na ipatupad ang anumang warrant na ilalabas ng korte.
Aniya, “As of now, wala naman kami natatanggap na warrant of arrest for any high-ranking official right now. But again, mandate ito ng CIDG. Kung sakali man na meron, just like the previous cases, ready ang CIDG to implement and serve any warrant that will be given by the court.”
Lumabas ang pahayag matapos ang mga protesta ng libo-libong miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) kaugnay ng planong pagsasampa ng kasong plunder laban kay Sen. Rodante Marcoleta.
Sinabi rin ni Guiagui na mangangailangan ng masusing paghahanda at koordinasyon ang pagpapatupad ng warrant laban sa isang kilalang opisyal.
Samantala, nagpapatuloy ang paghahanap ng CIDG sa mga pinaghahanap na sangkot umano sa anomalya sa mga flood control project.
Kasama rito ang ilang tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na iniuugnay sa mga contractor na sina Curlee at Sarah Discaya, gayundin ang iba pang suspek mula sa Sunwest Corporation na nananatiling nagtatago sa kabila ng umiiral na warrant of arrest.
Ayon kay Guiagui, nakikipag-ugnayan na rin ang pamahalaan sa mga banyagang awtoridad upang matunton ang mga tumakas na pinaniniwalaang nasa ibang bansa.
Dagdag pa niya, “May surrender feelers nila, kaso hindi naman sila sumuko. That’s why manhunt operation is still ongoing. We have to account those.” RNT/MDS