KATHMANDU — Malaki ang naging papel ng climate change sa pagguho ng bahagi ng bundok at glacier sa hangganan ng China at Nepal noong Agosto 26 na nagdulot ng malawakang pagbaha at kumitil sa mahigit 1,400 katao, ayon sa mga siyentista.
Sa pagsusuri ng World Weather Attribution (WWA), sinabi nitong hindi iisang extreme weather event ang sanhi ng sakuna kundi kombinasyon ng patuloy na pag-init ng klima, pag-urong ng glacier, pagkatunaw ng permafrost at geological instability sa Himalayas.
Bumagsak ang malaking bahagi ng bato at glacier mula sa Langtang Lirung mountain at naging mabilis na rumaragasang halo ng tubig, yelo, bato at debris patungo sa mga komunidad sa ibaba.
Ayon sa WWA, ang pagtaas ng temperatura ay nag-angat sa freezing level sa Himalayas at naglantad sa yelo at permafrost sa mas matagal na init, bagay na maaaring magpahina sa mga dalisdis ng bundok. Naitala rin ang Hulyo at Agosto 2026 bilang pinakamainit na mga buwan sa lugar bago nangyari ang pagguho.
Posible ring nakadagdag sa kahinaan ng lugar ang magnitude 7.8 earthquake noong 2015, bagaman sinabi ng mga mananaliksik na hindi pa matiyak ang eksaktong papel nito sa insidente.
Umabot na sa 1,403 ang nasawi at 6,150 ang nawawala sa Nepal, habang 43 ang patay at 519 ang nawawala sa China, dahilan upang umakyat sa 1,446 ang kabuuang nasawi at hindi bababa sa 6,669 ang nawawala sa dalawang bansa.
Tinatayang aabot naman sa $4.78 bilyon ang kakailanganin ng Nepal para sa reconstruction matapos ang sakuna. RNT