Home NATIONWIDE ‘Climate-resilient communities’ pangako ni PBBM

‘Climate-resilient communities’ pangako ni PBBM

MANILA, Philippines- Pinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos ang commitment ng kanyang administrasyon sa pagpapatibay ng mga komunidad laban sa mga kalamidad  sa pamamagitan ng housing at infrastructure initiatives.

Inihayag ito ni Marcos sa pangunguna niya sa ceremonial turnover ng walong nakumpletong Yolanda Permanent Housing Projects sa Leyte, Samar, at Biliran noong Biyernes,

“Tuloy-tuloy ang ating pagsulong ng mga hakbang upang mabawasan ang pinsalang bunsod ng mga kalamidad,” pahayag ng Pangulo.

Binanggit ni Marcos ang Leyte Tide Embankment Project bilang isang mahalagang flood mitigation initiative upang protektahan ang coastal communities mula sa malakas na alon. Umaasa siyang makukumpleto ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa tamang panahon.

“Mayroon pong flood mitigation project dito sa Leyte. Ito po yung Leyte Tide Embankment Project na layong mabigyan ng proteksyon laban sa malalakas na alon ang mga komunidad na malapit sa dagat,” pahayag niya.

Samantala, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at ang National Housing Authority (NHA) na palawigin ang kanilang teknolohiya at design solutions para sa climate-resilient housing.

“Inaasahan ko na palalawigin pa ninyo ang pagtuklas at paggamit ng mga disenyo ng pabahay na mas matibay pa, mas angkop sa pagbabago ng klima at hamon ng panahon,” pahayag niya.

Gayundin, ibinida ni Marcos ang pagpapaigting ng gobyerno sa disaster response sa pagpapalakas ng kapabilidad ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) workers, na tumututok sa information dissemination, community engagement, at inter-agency coordination.

“Bilang pangunahing hakbang, nagtatayo tayo ng mga imprastruktura na magsisilbing proteksyon at sentro ng ating mga operasyon.” pahayag niya.

“Isa rito ang pagtatatag ng evacuation centers at Disaster Response Command Center na tatayong sentro ng ating paghahatid-tulong,” patuloy ng Pangulo. RNT/SA