Home NATIONWIDE Climate-Resilient Farm Support, hatid ng DAR sa mga magsasaka ng Quezon

Climate-Resilient Farm Support, hatid ng DAR sa mga magsasaka ng Quezon

158
0

QUEZON, Philippines – Upang palakasin ang hanapbuhay ng mga magsasaka sa General Nakar, Quezon nagkaloob ang Department of Agrarian Reform (DAR), na pinamumunuan ni Secretary Conrado M. Estrella III, ng mga bagong farm machineries and equipment (FME) at nagsagawa ng inspeksyon sa mahahalagang proyektong pang-imprastraktura sa kanayunan.

Sa pamamagitan ng Climate-Resilient Farm Productivity Support Program, ipinagkaloob ng DAR CALABARZON ang isang four-wheel-drive tractor na may kumpletong kagamitan sa Umiray Agrarian Reform Beneficiaries Multi-Purpose Cooperative sa Barangay Umiray. Binubuo ang kooperatiba ng 1,245 kasapi, kabilang ang 375 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).

Pinangunahan ni Regional Director Cupido Gerry Asuncion, kasama ang mga opisyal ng Pamahalaang Bayan ng General Nakar at mga kawani ng DAR Provincial Office sa Quezon, ang turnover ceremony.

Bunsod nito inaasahang makatutulong ang mga bagong FME upang mapabilis ang paghahanda ng lupa, mabawasan ang gastusin sa produksyon, at mapataas ang ani ng mga magsasaka. Bahagi ito ng mas malawak na programa ng DAR sa buong bansa na naglalayong bigyan ang mga agrarian reform communities ng makabagong kagamitan upang makasabay sa hamon ng pabago-bagong klima at manatiling produktibo.

Bilang isa sa mga aktibong Agrarian Reform Beneficiary Organizations (ARBO) sa Quezon, inaasahang higit na lalakas ang produksyon ng Umiray Cooperative dahil sa natanggap na suporta. Sa pamamagitan ng makabagong makinarya, mas bibilis at gagaan ang kanilang gawain sa bukid, kaya mas mapapataas ang ani at mas makapag-aambag sa sapat na suplay ng pagkain hindi lamang sa kanilang komunidad kundi maging sa buong bansa.

Kaugnay nito hindi lamang makinarya ang ipinagkaloob ng DAR. Nagsagawa rin ang ahensya ng inspeksyon sa planong Idyang Bridge at tatlong Farm-to-Market Road projects sa mga Sitio ng Idyang, Lapdok, at Campo. Kapag naipatupad ang mga proyektong ito, mas mapapadali ang pagdadala ng ani sa pamilihan, mas mapapabuti ang biyahe sa mga liblib na lugar, at mas lalakas ang ugnayan ng mga magsasaka sa merkado.

Samantala ipinatutupad ang Climate-Resilient Farm Productivity Support Program sa iba’t ibang rehiyon bilang bahagi ng pinagsamang suporta ng DAR na kinabibilangan ng makinarya, imprastraktura, farm inputs, at pagsasanay sa mga magsasaka upang matiyak ang tuloy-tuloy at matatag na produksyon ng pagkain.

Patuloy na isinusulong ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III ang kahalagahan ng modernisasyon sa pagsasaka at pagpapaunlad ng imprastraktura sa kanayunan upang maging mas matatag at masigla ang mga komunidad ng repormang agraryo. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here