Home NATIONWIDE Co, 13 DPWH officials pinakakasuhan ng ICI

Co, 13 DPWH officials pinakakasuhan ng ICI

279
0

MANILA, Philippines – Inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang posibleng pagsasampa ng kasong graft, malversation, at falsification laban sa nagbitiw na Ako Bicol Rep. Zaldy Co at 13 opisyal ng DPWH kaugnay ng umano’y iregularidad sa PHP289.5-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Sa 32-pahinang ulat na isinumite sa Ombudsman, sinabi ng ICI na 2.5 hanggang 3 metro lamang ang ginamit na steel sheet piles sa halip na 12 metro na nakasaad sa kontrata, na maaaring magdulot ng higit PHP63 milyong pagkalugi. Tinukoy din ang kulang at kahina-hinalang dokumentasyon sa mga billing, kabilang ang paggamit ng magkaparehong larawan sa iba’t ibang bayarin.

Idinawit si Co dahil umano sa pagtanggap ng benepisyo mula sa Sunwest Inc., na iniulat na may koneksiyon sa kanya. Bagama’t iginiit niyang na-divest na niya ang interes, sinabi ng ICI na kailangan pa ng dagdag na ebidensya upang patunayan ito.

Binigyang-diin ng komisyon na paunang resulta lamang ang mga natuklasan at dapat pang imbestigahan sa ilalim ng anti-graft at procurement laws. Samantala, hinimok ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla si Co na “harapin ang musika” at sagutin ang mga paratang. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here