MANILA, Philippines – Maaaring walang kuryente at tubig ang Masbate nang hanggang isang buwan matapos ang matinding pinsala ng Bagyong Opong, ayon sa mga awtoridad.
Mahigit 150,000 residente ang naapektuhan, 14,000 bahay ang bahagyang nasira at 3,500 naman ang tuluyang nawasak.
Ayon sa Department of Education, 57 silid-aralan ang lubusang nasira, 71 ang may malalang pinsala, 72 ang may bahagyang pinsala, 43 ang binaha, at 11 ang tinamaan ng landslide.
Kabilang sa matinding naapektuhan ang Masbate National Comprehensive High School.
Siyam ang nasawi sa probinsya, kabilang ang 11-anyos na campus journalist na nadaganan ng gumuhong pader ng kapitbahay. Tumaas din ang presyo ng inuming tubig mula P25 patungong P45 dahil gumagamit ng generator ang mga water station. Wala ring cellphone signal, ngunit ilang kompanya ang nagbigay ng libreng WiFi sa limitadong oras.
Sarado pa rin ang ilang kalsada dahil sa mga debris at nabuwal na poste. Kanselado ang klase ng isang linggo at ipatutupad ang shifting schedules pagbalik ng mga estudyante.
Tinatayang aabutin ng isang buwan bago maibalik ang kuryente, tubig, at internet, bagaman nagbigay na ng satellite connection ang mga awtoridad. RNT