Home NATIONWIDE COA: 9,450 pindondohang klasrum, ‘di naipatayo mula 2021-2025 

COA: 9,450 pindondohang klasrum, ‘di naipatayo mula 2021-2025 

2
0

MANILA, Philippines — Umabot sa 9,450 sa 14,267 target na silid-aralan na pinondohan ng Department of Education (DepEd) ang hindi naipatayo mula 2021 hanggang 2025, ayon sa Commission on Audit (COA).

Sa annual audit report, sinabi ng COA na 4,817 classrooms lamang o 34% ng target ang natapos sa loob ng limang taon sa ilalim ng Basic Education Facilities Fund (BEFF), habang 66% ang hindi naitayo. Ang mga proyekto ay inilipat sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa implementasyon.

Pinakamalaki ang kakulangan noong 2025, kung saan 99 lamang sa 5,298 target classrooms, o halos 2%, ang natapos.

Noong 2021, 40 sa 50 target classrooms ang naitayo; lahat ng 160 target noong 2022 ay natapos; 1,703 sa 2,362 noong 2023; at 2,815 sa 6,397 noong 2024.

Ayon sa COA, kabilang sa mga nakapagpabagal sa konstruksiyon ang mga isyu sa project sites gaya ng pending demolition at building permits, hindi pa nareresolbang environmental clearances, right-of-way problems, accessibility ng mga lugar at kinakailangang pagbabago sa disenyo.

Binanggit din ang compressed validation period, nagpapatuloy na procurement activities at matagal na proseso sa pag-isyu ng Special Allotment Release Orders bilang ilan sa mga dahilan ng pagkaantala.

Ayon sa state auditors, maaaring nabawasan ang delays kung nasunod nang maayos ng DepEd at DPWH ang mga probisyon ng kanilang memorandum of agreement. Nagresulta umano ang mabagal na implementasyon sa mas mataas na construction costs at pagkaantala sa paggamit ng publiko sa kinakailangang school facilities.

Matagal nang problema ng basic education sector ang kakulangan sa mga silid-aralan. Noong Disyembre 2025, tinatayang nasa 145,000 classrooms ang nationwide shortage, ayon sa pamahalaan. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here