MANILA, Philippines- Pinaaamyendahan ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang alituntunin ng Commission on Audit at Department of Budget and Management (DBM) sa joint circular hinggil sa paggamit ng confidential and intelligence funds (CIF) sa gitna ng kuwestiyonableng paggamit nito.
Ipinanawagan ito ni Hontiveros matapos matuklasan ng COA at isang pagdinig sa Kamara na ginamit ni Duterte sa loob ng 11 araw ang mahigit P16 milyon mula sa P125 milyon na confidential funds sa pagbabayad ng safe houses.
“Talagang katanong-tanong yung ganyang reported use ng OVP at ng DepEd ng confidential funds…Gaya ng nakikita natin ngayon, yung mga pondong ito, peligroso talagang abusuhin at gamitin sa maling paraan,” ayon kay Hontiveros sa virtual press conference kamakailan.
“Nais kong ulitin din ang aking panawagan sa mas mahigpit at mas detalyadong auditing at accountability mechanisms sa paggamit niya ng confidential and intelligence funds. Dapat nang amyendahan in particular yung COA-DBM Joint Circular No. 2015-01 o yung guidelines sa reporting at auditing ng CIF,” dagdag niya.
Sinabi ni Hontiveros na lubhang nakagugulat at nakaaalarma ang paggamit ng P16 milyon sa loob lamang ng 11 araw saka acknowledgement receipts lang ang patunay para sa naturang gastusin.
“Hindi malaman para saan at para kanino dahil yung mga acknowledgement receipts ay kulang-kulang pa ang detalye. So hindi resibo ha, acknowledgement receipts lamang,” pahayag ng mambabatas.
Bukod sa confidential funds ng ni Duterte, binanggit din ni Hontiveros ang paggastos sa P15 milyong confidential funds ng Department of Education sa pagbabayad ng informants gamit ang sertipikasyon mula sa ilang opisyal ng military noong 2023. Ernie Reyes