Home NATIONWIDE Coco Martin pro-FPJ Panday Bayanihan Partylist

Coco Martin pro-FPJ Panday Bayanihan Partylist

Manila, Philippines – Buong pusong inendorso ng aktor Coco Martin ang FPJ Panday Bayanihan Partylist sa isang makasaysayang grand rally na ginanap sa Pangasinan.

Aktibong lumahok si Coco sa motorcade kasama ang first nominee na si Brian Poe at second nominee na si Mark Patron, bilang patunay ng kanyang suporta sa adbokasiya ng partylist.

Sa nasabing pagtitipon, sinabi ni Coco Martin, “Nandito ako para tulungan sila dahil ako mismo nagsasabi sa inyo, itong mga taong ‘to, sila ang tutulong sa inyo. Sinimulan ni FPJ, sinimulan ni Susan Roces, at ngayon, pinagpapatuloy ni Grace Poe at ni Brian Poe.

Kaya hinihiling ko po sana sa inyo lahat na sa darating na eleksyon, sana po suportahan natin ang FPJ [Panday Bayanihan] Partylist.” Ipinakita ng kanyang mensahe ang patuloy na malasakit ng Pamilyang Poe para sa mga Pilipino at ang kanilang tapat na paglilingkod, lahad pa ni Coco.

Binigyang-diin ni Coco ang matagal nang pagtulong ng FPJ Panday Bayanihan Partylist sa mga komunidad, aniya, “Hindi pa man po sila tumatakbo, hindi pa man po nila naiisip na pasukin ‘to, tumutulong na sila. Si FPJ, mula nung kabataan niya, nag binata siya hanggang nagkaedad siya, tumutulong na siya sa lahat ng mga Pilipino na hindi nagsasalita, hindi pinagyayabang, at hindi pinaalam sa maraming mga Pilipino.

Ngayon, na nandito ang FPJ [Panday Bayanihan] Partylist, sana po tulungan po natin sila, tulungan po natin sila para tulungan po tayong mga Pilipino.” Layon ng kanyang panawagan na hikayatin ang publiko na bumoto para sa partylist na tunay na naglilingkod at nagbibigay ng makabuluhang pagbabago sa buhay ng mga Pilipino.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Brian Poe, “Mga kasama sa pag-iikot ko, talagang napakainit ang pagtanggap sa akin basta tayo ay nasa Pangasinan. Kaya ang concert na ito ay talagang pasasalamat po dahil habang nag-iikot ako, kinukwento niyo sa akin ang kwento ni FPJ, ang mga nagawa niya para sa taumbayan dito, at ang mga pangarap niya para sa bayan natin. Tayo, lahat tayo dito, tayo na ang magtutuloy po sa legasiya ni FPJ.” Damang-dama ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa suporta ng mga Pangasinense.

Sa pagtatapos ng programa, muling ipinahayag ni Coco Martin ang kanyang buong pusong suporta para kina Brian Poe at sa FPJ Panday Bayanihan Partylist. Naniniwala siya na tunay nilang maipagpapatuloy ang magandang pamana ni FPJ.

Binanggit niya ang kanilang dedikasyon sa integridad, tapat na serbisyo, at pakikinig sa boses ng taumbayan. Hinikayat niya ang lahat na magkaisa at suportahan si Brian at ang partylist, na aniya’y may kakayahang buuin ang mas maliwanag na kinabukasan para sa bawat Pilipino—tulad ng ginawa ni FPJ habang siya’y nabubuhay. RNT