Manila, Philippines – Nanawagan ang mga kritiko ni Bulacan Governor Daniel Fernando na huwag na itong “umepal” sa isyu ng masamang serbisyo ng ‘Prime Water’ na pag-aari ng mga Villar at sa halip ay ipaliwanag ang nabistong malayang paglabas ng ‘hardened criminals’ sa Bulacan Provincial Jail.
Sa media forum sa Quezon City nitong Sabado, sinabi ni Orlan Mauricio, dating direktor at lifetime member National Press Club, bagaman mahalaga ang tubig, mas nakababahala sa mga residente ang kontrobersyal na pagkahuli noong Abril 13 ng Criminal Investigation and Detection Group kina Abdua Hasim Arajalon at Mario Mariano San Jose Jr. sa isang bahay sa Purok 3, Bgy. Dakila, Malolos City.
Si Arajalon ay nakakulong noon pang 2019 sa kasong murder habang detenido naman si San Jose sa kasong homicide. Bukod sa dalawa, nahuli rin ang jail guard na si Jail Guard Teejay Libiran Jimenez at asawa ni Arajalon na si Sarah Caytano Wahid.
Natagpuan naman sa loob ng bagong Toyota Hilux ni Arajalon (DBP 4085) ang dalawang pistola at mga bala na gamit umano ng mga suspek.
‘Yung tubig, kahit paano, makakabili ka kahit saan, mabubuhay ka pa, pero ‘yung may gumagalang mga kriminal, walang ligtas na mamamayan, isang bala ka lang,” ani Mauricio.
Sapul noong isang taon, dalawang ‘broad daylight ambush’ na ang naitala sa Bulacan na ‘unsolved’ pa rin hanggang sa kasalukuyan, ani Mauricio.
Unang napatay sa ambush noong Oktubre 3, 2024, si Bulacan board member Ramil Capistrano at kanyang driver sa Malolos City. Patay rin sa pananambang nitong Marso 21 ang tatlong katao sa Bgy. Capihan, San Rafael, Bulacan.
Ani Mauricio, ang mga ganitong karahasan na wala pa ring kasagutan ang naglagay sa Bulacan sa estadong ‘’Yellow’ ngayong halalan.
Kinwestyon din ni Mauricio ang maluhong pamumuhay nina Arajalon at San Jose.
Nakapagtataka, aniya, na bagaman detenido, nakabili pa si Arajalon noong Disyembre ng bagong Toyota Hilux na mahigit P2 milyon kung saan nakumpiska ng CIDG ang mga baril at bala noong Abril 13.
Sinabi naman ni Gov. Fernando na “sinuspinde” na niya si Jail Warden retired police colonel Rizalino Andaya at tatlo pang jail guards dahil sa eskandalo. Papalitan umano si Andaya ni Manuel Lucban Jr., hepe ng Bulacan PDRRMO.
Wala namang pahayag ang gobernador kung may imbestigasyong isinasagawa laban kay Andaya. RNT