Home NATIONWIDE Code White Alert itinaas ng DOH sa Semana Santa

Code White Alert itinaas ng DOH sa Semana Santa

MANILA, Philippines – Itinaas sa Code White Alert ng Department of Health (DOH) ang kanilang operasyon sa buong Semana Santa.

Ayon sa DOH, ang Code White Alert ay epektibo simula Abril 13, hanggang Abril 20.

Karaniwang idinideklara ng DOH ang Code White Alert tuwing may mga kaganapan, selebrasyon o holiday na maaaring magdulot ng ‘mass casualty incidents’ o emergency.

Sa pamamagitan nito ay masisiguro ang kahandaan ng mga pasilidad at mga tauhan.

Sa ilalim ng alert status na ito, lahat ng
medical personnel, partikular ang nasa emergency rooms at critical care units, na maghanda sa posibilidad ng pagdami ng mga pasyente dahil sa mga aksidente, injury at iba pang health-related incidents.

Hinimok ni Health Secretary Ted Herbosa ang publiko na manatiling alerto at maging maingat sa kanilang mga aktibidad ngayong Semana Santa.

“Maging alerto po tayo sa mga kalsada ngayong karamihan ay magbibiyahe. At dahil din po sa matinding init, mag-iingat din po tayo sa epekto nito sa katawan. Maiiwasan ang heat stroke kung hindi masyado magbababad sa init at kung laging umiinom ng tubig,” pahayag ni Herbosa.

“We encourage everyone to observe the Holy Week responsibly. Magpunta po sa mga DOH hospitals na tuloy-tuloy na naka-antabay at magbibigay ng healthcare services sa mangangailangan nito ngayong darating na Semana Santa,” dagdag pa niya. RNT/JGC