MANILA, Philippines – Binaril ng hindi pa nakikilalang mga armadong kalalakihan ang kandidatong tumatakbo bilang board member sa 1st District ng Maguindanao del Sur.
Ang biktima ay kinilalang si Muhammad Utti Omar, o kilala bilang si “Datu Baba” na nagtamo ng minor injury matapos tambangan sa Datu Anggal Midtimbang.
Nagtamo rin ng pinsala sa katawan ang kanyang drayber na si Abel Bunsalagat Buisan.
Sa imbestigasyon, lumalabas na si Omar ay nanggaling sa proclamation rally at sakay ng MPV na minamaneho ni Buisan nang paulanan ng bala ng baril ng mga armadong kalalakihan na sakay naman ng silver minivan na walang plaka bandang 3:10 ng hapon sa National Highway sa Barangay Brar.
Nagawa pang maimaneho ni Buisan ang sasakyan patungo sa police station sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte para humingi ng tulong.
Idineklarang ligtas na sa kapahamakan si Omar habang inoobserbahan pa si Buisan dahil sa tinamong tama ng bala.
Ayon sa Maguindanao del Sur Police Provincial Office, nagawa pang atakehin ng mga pulis mula sa Datu Anggal Midtimbang Municipal Police Station kasama ang mga karagdagang pulis sa PNP outpost sa lugar, ang mga sangkot sa pananambang.
Tumakas ang mga hindi pa tukoy na mga suspek patungong Barangay Kedati sa munisipalidad ng Talayan, Maguindanao del Sur.
Nasa 50 fired cartridges mula sa hindi tukoy na rifle ang narekober sa crime scene.
Inilunsad ang hot pursuit operation para matugis ang mga sangkot sa krimen.
Nagpapatuloy din ang imbestigasyon para malaman ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek. RNT/JGC