Home NATIONWIDE Code White alert itinaas sa Pangasinan sa banta ng malawakang baha

Code White alert itinaas sa Pangasinan sa banta ng malawakang baha

1
0

PANGASINAN — Isinailalim sa Code White alert ang Pangasinan habang nananatiling binabaha ang ilang lugar at naghahanda ang mga awtoridad sa posibleng pag-igting ng Habagat sa mga susunod na araw.

Patuloy ang pagbaha sa ilang barangay sa Lingayen, Binmaley, Dagupan City, at Calasiao, bagaman unti-unti nang humuhupa ang tubig sa ibang lugar.

“Heightened monitoring pa rin tayo, especially dito sa operations center. Continuous ’yung monitoring natin sa development ng iba’t ibang weather system na makaaapekto sa province,” sinabi ni Pangasinan DRRM Office emergency operations center supervisor Pia Navata-Flores.

Idineklara na ang state of calamity sa Dagupan City, Mangaldan, Sta. Barbara, Bugallon, at Mangatarem.

Sa Calasiao, nananatiling lampas sa critical level ang Marusay River. Binabaha pa rin ang mga barangay Talibaew, Longos, Lumbang, Lasip, at Mancup, habang humuhupa na ang tubig sa 16 iba pang barangay.

“Unti-unti nang humuhupa ’yung tubig sa kanilang area, and so far, 2.4 feet ’yung pinakamalalim na naitala,” ani Calasiao DRRM Office spokesperson Kristine Joy Soriano.

Nananatili sa evacuation centers ang 42 pamilya o 156 katao sa Calasiao.

Batay sa PAGASA rainfall advisory alas-8 ng umaga nitong Martes, Agosto 25, inaasahan ang mahina hanggang katamtaman, at kung minsan ay malakas na ulan sa malaking bahagi ng Pangasinan dahil sa Habagat.

Pinayuhan ang mga residente na bantayan ang mga opisyal na abiso at sumunod sakaling ipatupad ng lokal na pamahalaan ang preemptive evacuation.

“Pinapaalalahanan ang lahat na makinig po if ever ipatupad ng ating LCEs at BDRRMCs ang preemptive evacuation,” ani Navata-Flores. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here