MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Department of Finance (DOF) na tumaas ang koleksyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) noong Enero ngayong taon.
Sa isang Facebook post, sinabi ng DOF na ang preliminary data ay nagpakita na ang mga koleksyon ng BIR para sa Enero ay umabot sa P350.6 bilyon, na mas mataas ng 13.7 porsyento mula noong Enero ng nakaraang taon.
Ang koleksyon ng BOC ay tumaas din ng 8.1 porsyento na umaabot sa P79.3 bilyon.
Sinabi ng DOF na pinuri ni Finance Secretary Ralph Recto ang BIR at ang BOC sa pagkamit ng mas mataas na koleksyon ng kita sa naganap na command conference ng mga ahensya noong Pebrero 19.
Dumalo sa command conference sina BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., BOC Commissioner Bienvenido Rubio, DOF Undersecretaries Maria Luwalhati Dorotan-Tiuseco at Charlito Martin Mendoza, Assistant Secretaries Karlo Fermin Adriano, Dakila Elteen Napao, at Gerald Alan Quebral.
Sa command conference, nagbigay din ang BIR at BOC ng updates sa kanilang digitalization efforts at enforcement programs.
Para sa 2025, ang mga prayoridad ng digitalization ng BIR ay ang pagpapatupad ng Electronic Invoicing/Receipting and Sales Reporting System, full utilization ng Internal Revenue Integrated System, Project 230x – On line Withholding Tax System, Electronic Filing & Payment (ePayment) System, at Taxpayer’s Portal, at iba pa.
Samantala, ang prayoridad ng BOC ay ang buong digitalization ng customs process, na kinabibilangan ng integration ng iba’t ibang payment channels sa e-Pay Portal System, pagpapatupad ng bagong electronic certificate of payment, integration ng BOC Postal System sa PHLPost, at pagtatatag ng regional data centers.
Hinimok ni Recto ang BIR at BOC na kumpletuhin at makamit ang buong pagpapatupad ng kani-kanilang digitalization strategies. JR Reyes