LAPU-LAPU CITY-MAGKAHALONG dalamhati at panghihinayang ang nararamdaman ngayon ng pamilya ng isang graduating college student na kamakailan ay binawian ng buhay dahil sa matinding karamdaman na magtatapos sana noong Mayo 28, 2024 na isang Cum Laude sa lungsod na ito.
Sa ibinahagi ni Lapu-Lapu City Mayor Junard “Ahong” Chan sa kanyang social media post, umakyat sa entablado ang ina at nakatatandang kapatid na babae ni Michael “Kikil” Alcoseba, bitbit ang kanyang larawan na naka-frame, upang tanggapin ang kanyang diploma at medalya para sa pagtatapos ng Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Hospitality Management and Tourism sa Lapu-Lapu City College.
Habang nasa gitna ng commencement exercise, naging emosyonal ang mga guro, estudyante at mga magulang nang tawagin ang pangalan ni Alcoseba.
Sinabi ng alkalde, halos tumindig ang kanyang balahibo nang makita ang ina ni Alcoseba bitbit ang larawan nito at tumulo ang luha dahil sa sobrang kalungkutan at biglaang pagpanaw ng minamahal niyang anak.
Ayon sa kapatid, namatay si Alcoseba noong May 11, 2024 dahil sa sakit na pneumonia matapos ang dalawang araw naka-admit ito sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC).
Naniniwala naman ang kapatid ni Alcoseba ang sanhi ng pagkasakit nito ay ang sobrang pagod lalo pa’t pinagsabay nito ang pagiging working student at aktibo sa curricular at extracurricular activities sa paaralan. Mary Anne Sapico