Home TOP STORIES COMELEC Abra niyayanig ng pananakot, at pagbabanta

COMELEC Abra niyayanig ng pananakot, at pagbabanta

Bagama’t nasa inisyal na preparasyon pa lamang para sa nalalapit na halalan, niyayanig na ng matinding pananakit ang sangay ng Commission on Elections (COMELEC) sa lalawigan ng Abra.

Ayon sa ulat isa sa mga pangyayaring may  kaugnayan dito na naiulat na rin sa kapulisan ng naturang lalawigan ay kung saan sinasabing lantarang nakialam, nanakot ang umano’y isang alkalde sa isa sa mga election assistant ng institusyon na nag-uupisina sa kanyang nasasakupan.

Ang election assistant na umano’y tinakot, pinagbantaan at pinalalayas ng ‘di pinangalanang alkalde ay kinilalang si Chadela Tuazon.

Sinabihan umano siya ng alkalde ng: “Bakit nyo ako kinakalaban? Anu ang gusto ninyo digmaan? Lumayas ka dito. Ayaw ‘kong mag-opisina ka dito. Kanino kayo nagpa-alam? Ako ang mayor dito.”

Sinabi sa ulat ang naturang pangyayari na kinabibilangan ng aksyon at mabigat na mga pahayag ng alkalde ay nasaksihan ng ilang mga indibidwal kabilang ang mga nasyunal at lokal na kawani ng pamahalaan at mga mag-aaral at opisyal na rin umanong naipaalam sa mga kapulisan sa lugar.

Nagtataka rin umano ang mga nakakita dahil bagama’t nasa eksena rin ang isang election officer na hindi man lamang umano gumawa ng kahit na katiting na hakbang upang payapain ang situwasyon at igiit ang karapatan ng mga opisyal at kawani ng COMELEC sa ilalim ng mga umiiral na batas at alituntunin.

Kabilang sa mga kailangang ipaliwanag ng alkalde bunga ng kanyang aksiyon ay ang posibleng paglabag niya sa Revised Penal Code hinggil sa mga banta, sa Code of Conduct and Ethical Standards hinggil sa katarungan, at sa Omnibus Election Code hinggil sa panggigipit sa mga opisyal at kawani ng halalan.

Dahil sa naturang pangyayari, pormal na humingi ng seguridad ng naturang lokal na tanggapan ng COMELEC kay Abra Governor Dominic Valera at mismong sa punong tanggapan ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Ayon sa report na ipinadala sa pulisya, ito ay naganap noong Marso 25 ng kasalukuyang taon. (Santi Celario)