MANILA, Philippines- Iginiit ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang kahalagahan ng napapanahong pagbabahagi ng impormasyon mula sa mga dayuhang pamahalaan upang maiwasan ang pagpasok ng mga pugante sa Pilipinas.
Ang pahayag ni Tansingco ay bilang tugon sa kamakailang mga alalahanin ni Senador Sherwin ‘Win’ Gatchalian tungkol sa mga dayuhang pugante na sangkot sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) kung saan binigyang-diin nito ang agarang pangangailangan na makatanggap ng impormasyon tungkol sa mga kriminal na rekord ng mga ito.
Sa isinagawang pagsusuri kamakailan ng BI, ang lahat ng mga dayuhang nahuli sa mga naganap na pagsalakay sa mga ilegal na online gaming establishments ay kinilala bilang mga pugante ng kanilang mga pamahalaan buwan o kahit na taon pagkatapos ng kanilang pagpasok sa bansa.
“If we had been provided with information about their criminal records in a timely manner, we could have barred their entry into the Philippines from the outset,” ani Tansingco.
Aniya, ang pinaigting na pagbabahagi ng impormasyon ay magbibigay-daan sa BI na maglaan ng resources nito nang mas epektibo.
“Drawing parallels with existing practices, the BI receives timely information from the US government on registered sex offenders, facilitating their interception at ports of entry,” ani Tansingco.
Ang sentralisadong database ng BI ng mga derogatory records, na nauugnay sa Interpol, ay nagpapataas ng kanilang kapasidad na harangin ang mga indibidwal na may mga hit sa Interpol.
Nabatid na ang BI ay nakapagpatalsik ng mga dayuhan na nasa kabuuang 3,359, kung saan 39 sa mga ito ay naharang matapos rumehistro ang kanilang pangalan sa database ng Interpol. Bukod pa rito, 170 tao na dati nang nahatulan ng mga sex crimes ay pinahinto rin sa pagpasok pagkatapos na ipasa ng kanilang mga pamahalaan ang napapanahong impormasyon sa BI, na humantong sa kanilang pagharang.
Sinabi ni Tansingco noong 2023 pa lang, humiling na siya sa mga dayuhang embahada at konsulado, kabilang ang China, Japan, Korea, at Taiwan, para sa pagbabahagi ng data upang maipasok ng BI ang listahan ng mga pugante sa sistema nito, na nagpapahintulot sa ahensya na pigilan ang nasabing mga pugante.
Iginiit ni Tansingco ang paninindigan ni Senator Gatchalian, na: “No foreign fugitive should find refuge in the Philippines.” Binigyang-diin niya ang pagpapaigting ng pakikipagtulungan sa mga dayuhang pamahalaan upang matiyak ang epektibong pagpigil sa kanilang pagpasok sa bansa. Jay Reyes