Home METRO P148M kompensasyon ipinamahagi sa Marawi siege victims – board

P148M kompensasyon ipinamahagi sa Marawi siege victims – board

MANILA, Philippines- May kabuuang P148,848,794  na kompensasyon ang iginawad kamakailan sa ilang biktima ng 2017 Marawi siege, ayon sa Marawi Compensation Board (MCB).

Sinabi ng MCB na ibinigay ang kompensasyon sa mga benepisyaryo ng 86 death claims maging 32 structural at personal property claims.

Noong July 2023, binuksan ng MCB ang aplikasyon ng claims kabilang ang structural property, death, at personal property claims. Halos isang buwan matapos ang opening, halos 12,000 indibidwal ang naghayag ng interes sa paghahain ng claims, ayon sa MCB.

“Republic Act 11696 serves as a beacon of hope for those affected by Marawi Siege, offering a legal framework to redress the injustices endured, and provide monetary compensation,” pahayag ni MCB chairperson Maisara Dandamun-Latiph.

Makakukuha ang mga biktima na nawalan ng tahanan sa Marawi siege ng kompensasyong P18,000 per square meter para sa totally damaged structures.

Bibigyan din ng MCB ng hindi bababa sa P350,000 ang mga pamilya ng nasawi sa kasagsagan ng siege.

Halos 17,800 tahanan ding apektado ng siege ang inaasahang makatatanggap ng financial aid, batay sa board.

Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong August 2023 na kabuuang P1 billion ang inilaan para sa Marawi Siege Victims Compensation Program sa proposed 2024 national budget.

Matatapos ang paghahain ng aplikasyon para sa kompensasyon sa July 4, 2024.

Ang may pakana ng siege, na sumiklab noong May 2017, ay ang Maute Group at tumagal ng ilang buwan. Matatandaang idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na malaya na ang lungsod mula sa grupo noong Oktubre ng parehong taon. RNT/SA