MANILA, Philippines- Nananatiling kabilang sa prayoridad ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang pangangalap ng mahahalagang ‘intelligence’ laban sa mga aktibidad ng mga komunista.
Ito’y sa kabila ng paghina ng armed wing ng terrorist group.
Sa isang panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, araw ng Huwebes, sinabi ni NICA Deputy Director General for Special Concerns Abelardo Villacorta na nagpapatuloy ang communist recruitment activities kung saan target ang mga estudyante at sektor ng kabataan.
Sinabi pa nito na ang ahensya, bilang pinuno ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict’s (NTF-ELCAC) Situational Awareness and Knowledge Management Cluster, ay nakatuon sa pagmonitor sa mga nasabing pagtatangka na akitin ang mga kabataan na mag-aklas laban sa pamahalaan.
“There are so many of our youth, the students that are being recruited into the CPP-NPA-NDF at kawawa sila, iyong mga pangarap nila, ambisyon nila ay nasisira because they are being deceived to join the movement and become members of the NPA,” ayon kay Villacorta.
Aniya pa, maraming mga magulang ang nakikipag-ugnayan ngayon sa NICA para tumulong na mabigo ang mga komunista sa kanilang recruitment activities.
“Tumutulong sila sa amin in our situational awareness and knowledge management, at napakalaking tulong nila,” dagdag ng opisyal.
Nauna rito, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Romeo Brawner Jr. na ang walang humpay na operasyon ng pwersa ng estado laban sa mga komunista ay naging napakaepektibo para wasakin ang aktibong New People’s Army (NPA) guerrilla fronts.
Base sa pinakabagong impormasyon mula sa militar, ang bilang ng guerrilla fronts ng terrorist group ay bumaba na sa 11. Kris Jose