Home NATIONWIDE Comelec: BSKE tututukan; special election sa NegOr ‘di muna prayoridad

Comelec: BSKE tututukan; special election sa NegOr ‘di muna prayoridad

MANILA, Philippines- Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na mas makabubuting tumutok muna ang poll body sa October 30 BSKE dahil inaasahang magiging mainit ang laban sa congressional race.

Ito ang pahayag ni Comelec Chairman George Garcia matapos ang mungkahi na idaos ang special election para punan ang nabakanteng pwesto ni dating congressman Arnolfo Teves Jr. sa ikatlong distrito ng Negros Oriental kasabay ng BSKE.

Sinabi ni Garcia hindi pa alam kung sino ang maghahain ng COC at mahirap itong ihalo sa barangay kaya dapat tumutok muna sa barangay at SK saka na sa special election.

Ang special election para sa nasabing probinsya ay gagawin sa Disyembre 9 kaya ang filing of certificates of candidacy ay mula Nobyembre 6 hanggang 8.

Kasado naman ang campaign period sa Nobyembre 9 at matatapos sa Disyembre 7.

Sinabi ni Garcia na nasa distrito siya kasama ang iba pang miyembro ng Comelec en banc sa araw ng halalan upang personal na subaybayan at iproklama ang nanalo.

“We will be there so we can monitor the conduct of the special election. Ang hope namin makapag-proclaim tayo ng December 10 ng gabi. Latest yung December 11 ng umaga,” ani Garcia.

Inanunsyo ng Comelec ang detalye ng paghahanda para sa special election sa Negros Oriental.

Nauna rito, sinabi ni Garcia na P75 milyon ang inilaan para sa espesyal na halalan.

Nakasaad sa Konstitusyon na sa mga kaso ng pagkabakante sa Senado o Kapulungan ng mga Kinatawan, maaaring magpatawag ng espesyal na halalan.

Maaari lamang maglingkod para sa natitirang bahagi ng termino ang mananalo para punan ang bakante. Jocelyn Tabangcura-Domenden