Home HOME BANNER STORY Comelec chair Garcia pinadi-disbar sa SC

Comelec chair Garcia pinadi-disbar sa SC

MANILA, Philippines – Pinatatanggalan ng lisensya bilang abugado si Commission on Elections (Comelec) Chair George Garcia dahil sa umano’y iregularidad sa 2025 national at local elections.

Naghain ng petisyon sa Supreme Court (SC) si Atty. Jordan Pizarras na humihiling na i-disbar si Garcia dahil umano sa mga iregularidad nitong 2025 national at local elections.

Sa petition for certiorari and mandamus, inakusahan ni Pizarras si Garcia na humingi umano ng P300 milyon kapalit ng pagkapanalo sa lokal na halalan sa isang pakikipagpulong nito noong Oktubre 2024.

Si Pizarras ay tumakbo noong eleksyon bilang kongresista sa Panglao, Bohol, ngunit natalo kay John Geesnell “Baba” Yap II.

Kinuwestiyon din niya ang paggamit ng Comelec ng software version 3.5.0 sa Automated Counting Machines (ACMs) sa halip na ang software version 3.4.0, ang source code na isinailalim sa review at certification alinsunod sa Republic Act No. 8436.

Inakusahan din ni Pizarras ang Comelec ng umano’y pagbabago ng ruta ng election returns sa pamamagitan ng di-otorisadong intermediary server.

Si Garcia umano ay may malapit na ugnayan sa ilang political families sa Bohol.

Hiniling din sa petisyon na atasan ng SC ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan kung may nilabag sa ilalim ng Anti-Cybercrime Law.
(Teresa Tavares)