MANILA, Philippines- Nakatakdang magtungo si Commission on Elections Commissioner Noli Pipo sa Maguindanao Del Norte sa Linggo, para sa kanyang unang opisyal na pagbisita bilang administrator ng Datu Odin Sinsuat.
Kasalukuyang nasa ilalim ng kontrol ng Comelec ang munisipalidad, ayon sa chairman nitong si George Erwin Garcia, nitong Lunes.
Kasunod ito ng pagpaslang kay Comelec Provincial Election Supervisor Atty. Maceda Lidasan-Abo, at kanyang asawang si Jojo Abo, noong March 26 sa kahabaan ng national highway sa Barangay Makir.
“Pagpunta natin doon, first we will conduct preliminary meeting with our law enforcement agency para ma-tingnan natin ano’ng nangyayari sa ground at ano ang political scenario dyan. Ano ang threat factors at ano ang mairerecommend nila, lahat na dapat gawin natin para ma-prevent ang karahasan. Hopefully, wala nang mangyari,” pahayag ni Pipo.
“I-secure dapat ang [safety] ng election workers, Comelec personnel, Deped, Treasury, Candidates, Supporters, electorates, sa media, mga citizen’s arm,” dagdag niya.
“Ang purpose ng Comelec control is to have adherent supervision and control over the activities, not only of the Comelec but also all our deputies. Kung babasahin yung [Comelec] resolution, in placing the area in Comelec control, ang provincial, regional security center, sila ang in charge with implementing ng mga patakaran under Comelec control at magrereport lang po sila sa akin,” paglilinaw ng opisyal.
“Merong misconception na kung sasabihin mong Comelec control ay isu-superseed mo na o papalitan mo yung local government unit with the performance of it’s functions. But merely na naka-focus lang po diyan naka-microscope na tinitingnan mo lahat ng galaw ng mga government agencies. That they have to conform with our election laws particularly in following the election prohibitions,” wika pa niya.
Si Pipo ay nagsilbing regional director ng Comelec sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, maging sa iba pang mga rehiyon sa bansa. RNT/SA