Home OPINION MGA BATANG TSUPER PAGBAWALAN SA DAAN

MGA BATANG TSUPER PAGBAWALAN SA DAAN

MAGANDA itong mungkahi ng National Center for Commuters Safety and Protection sa Department of Education na isama na ang pagmamaneho bilang isang mahalagang aralin sa iskul.

Sinabi ni Elvira Medina, chairperson ng nasabing samahan, na dapat magkaroon ng kaalaman ang mga kabataang mag-aaral ng maagang kaalaman sa ligtas at maayos na pagmamaneho hindi lang para sa kanilang kapakanan kundi maging sa iba.

Mungkahi niyang pwedeng ituro ang ligtas at maayos na pagmamaneho sa mga nasa senior high school.

BATA PA NAGMAMANEHO NA

Bigla nating naalala, mga Bro, ang pagmamaneho ng mga batang mag-aaral kahit saang lugar sa bansa.

Araw-araw ‘yan na tanawin, lalo na sa pagpasok nila sa eskwela.

Mayroon pa ngang Grade 6 pa lang, nagmamaneho na ng motorsiklo o traysikel o four wheels at may mga angkas o pasaheo pa.

At ang kapuna-puna, karamihan sa mga ito ang walang helmet na suot-suot sa usaping motorsiklo.

Dahil mga bata pa ang mga ito, tiyak na wala pa silang lisensya.

WALANG ALAM SA BATAS-TRAPIKO

Kapag walang driver’s license ang isang tsuper, nangangahulugan na halos walang kaalam-alam ito sa mga batas-trapiko.

Sapagkat, kung may lisensya siya, malamang na dumaan ito sa driving school at pumasa sa mga pagsusulit at checking na isinasagawa mismo ng Land Transportation Office.

Sa mga driving school at pagsusulit at testing ng LTO malalaman kahit paano ang mga pwede at bawal na pagmamaneho.

Kasama na rito ang ligtas at maayos na pagmamaneho, courtesy o respetuhan sa paggamit ng kalsada, may tamang papeles na mga sasakyan at mahigpit na pagtupad sa mga batas-trapiko at iba pang mga batas.

Gayunman, may mga tsuper naman talaga na pinabili lang ng suka, tsuper na.

Ito karaniwan ang mga abusado o walang disiplina at gumagawa ng mga overspeeding, biglaang pag-cut sa ibang mga sasakyan, walang respeto sa batas sa speed at tamang linya sa kalsada, mahilig sa nakabibinging tambutso, walang safety gear gaya ng helmet, hindi nagkakabit ng safety belt at iba pa.

DRIVER’S LICENSE

Sa Pilipinas, pwede nang maisyuhan ang 16 anyos na Pilipino habang 18 anyos ang para sa dayuhan.

Student permit lang muna ang iniisyu at saka lang maisyuhan ang mga ito ng non-professional driver’s license makaraan ang ilang buwan.

Kailangan munang student permit ang hawak ng bagitong tsuper na samahan ng isang may lisensyang tsuper habang nagmamaneho.

Kaya, nangangahulugan ito kahit papaano ng pagkatuto sa tama at ligtas na pagmamaneho, kasama ang mga pagkatanim sa isipan ng mga bawal at hindi bawal na gawaing tsuper gaya ng nabanggit sa itaas.

NAKATATAKOT NA DISGRASYA

Kapag nagmaneho ng sasakyan ang isang hindi pa 16 anyos, nakatatakot isipin ang kalalabasan ng kaso ng mga ito kapag nadisgrasya o nakadisgrasya sila.

At marami sa mga ito ang nasasangkot sa mga disgrasya.

Lalabas na walang pananagutan sa kanila kahit ang pamahalaan at matindi ang pananagutan nila kung may madamay na iba, tao man, sasakyan o ibang ari-arian.

Kaya naman, ang mga magulang, barangay, traffic enforcer at pulis dapat pagbawalan ang mga batang tsuper na walang driver’s license.